Pagbuo ng privacy at seguridad na naaangkop sa lahat
Ang Google Safety Engineering Center sa Munich ay isang pandaigdigang hub para sa privacy at safety engineering. Ipinapaliwanag ng mga engineer na sina Wieland Holfelder at Stephan Micklitz kung paano bumubuo ang Google ng transparency at kontrol sa mga produkto nito.
Nakatira pa noon si Wieland Holfelder sa US noong natanggap niya ang liham ng pagtanggap para sa bagong trabaho sa Google. Lumipat siya sa Silicon Valley mula sa Germany at nagtrabaho doon nang 12 taon, para sa mga kumpanya kasama ang Mercedes-Benz. Noong 2008, nagbago ang lahat. Tuwang-tuwa ang mga Amerikanong kaibigan at kasamahan ni Holfelder sa kanyang bagong posisyon at employer. Pero hindi sa Mountain View, California ang magiging lugar ng kanyang trabaho – sa Munich, Germany ito. Doon, hindi naging ganoon kasaya ang tugon ng mga tao sa kanyang balita. Bukod sa mga karaniwang mensahe ng pagbati, nakatanggap rin si Holfelder paminsan-minsan ng mga pagkunot ng noo at pagdududa mula sa kanyang mga German na kaibigan kapag binabanggit niya ang pangalang “Google.” Pero alam ni Holfelder kung gaano kasensitibo ang mga European – at lalo na ang mga German – pagdating sa kanilang data.
Nakaupo si Holfelder, ang Site Lead para sa Engineering Center ng Google, sa canteen ng opisina sa Munich, na parang restaurant sa magandang dekorasyon nito at mga bintanang mula sahig hanggang kisame. Mula sa mga bahagi ng pag-uusap na maririnig sa ingay sa kuwarto, malinaw na English ang karaniwang wika ng “Mga Googler” ng Munich. At hindi nagtatapos doon ang impluwensya ng Silicon Valley – ang gusaling gawa sa brick, na binuksan noong 2016, ay may fitness studio, coffee bar, billiard room, at aklatan. Humigit-kumulang 750 empleyado mula sa buong mundo ang nagtatrabaho sa branch na ito, at mga software developer ang marami sa kanila. Madalas na inaabot ng gabi ang kanilang oras ng trabaho, dahil posible lang ang mga video conference kasama ng mga kasamahan sa mga headquarter ng Google sa Mountain View mula simula ng gabi hanggang sa mga sumunod na oras.
Ang pangunahing layunin ay magkaroon ang mga user ng ganap na transparency at kontrol pagdating sa kung paano ginagamit ang kanilang data
Gayunpaman, German pa rin ang dating ng pagpapatakbo sa Munich ng Google – bahagi nito ay dahil sa maraming nakakaaliw na detalye tulad ng mga conference room na idinisenyong magmukhang mga lokal na istasyon ng subway, o mga classic na kuwartong may mga panel ng Bavarian wood. Pero para kay Holfelder, ang pinakakaraniwang German na bagay sa site ay ang buong pagmamalaki niyang tinatawag na “aming lokal na bentahe”: ang kanyang mga engineer sa Munich. “Dito sa Munich,” paliwanag ni Holfelder, “bumubuo kami ng mga produkto at serbisyo para sa Google – at para sa mga user sa buong mundo – sa larangan ng privacy ng data.” Ang pangunahing layunin ay magkaroon ang mga user ng ganap na transparency at kontrol pagdating sa kung paano ginagamit ang kanilang data. At Germany ang pinakamagandang lokasyon para sa mga taong kumikilos sa gawaing ito.
Si Stephan Micklitz, Director of Engineering, ang responsable sa mga pamantayan sa privacy ng data ng mga produkto ng Google sa buong mundo, at nagtatrabaho rin siya sa opisina sa Munich. Pagkatapos sumali sa team noong 2007, isa siya sa mga orihinal na Googler sa Munich. Si Micklitz at ang kanyang team ang bumuo sa orihinal na serbisyong Aking Account, na sa kalaunan ay naging Google Account. Ang digital cockpit na ito ay magagamit ng sinumang may account sa Google, pati na rin ng mga taong gumagamit lang ng search engine o YouTube ng Google. Sa Google Account, madaling mapapamahalaan ang mga setting. Makakapagpatakbo rin ang mga user ng Security Checkup para tingnan kung gaano kaprotektado ang kanilang data laban sa external na pag-atake, at magagamit nila ang Privacy Checkup para magpasya kung anong personal na impormasyon nila ang iso-store at hindi iso-store sa mga server ng Google.
"Dito sa Munich, bumubuo kami ng mga produkto at serbisyo para sa Google – at para sa mga user sa buong mundo – sa larangan ng privacy ng data."
Wieland Holfelder
“Ang ideya ay gumawa ng central hub para sa lahat ng ganitong uri ng tanong,” sabi ni Micklitz. “Ginusto naming pagsama-samahin ang mga sagot sa dalawang page, kasama ng lahat ng opsyon sa configuration ng setting – pero nang may pagtuon sa pinakamahahalagang hakbang, para hindi masyadong mahirapan ang mga user.” Kakakuha pa lang ni Micklitz ng kape mula sa isa sa mga kitchenette para sa staff ng Google, na tinatawag na “mga microkitchen,” kung saan may fridge na may taas na anim na talampakan na palaging puno ng mga inumin. Malinaw mong makikita ang unang dalawang row sa itaas dahil sa mga salaming pinto, na puno ng mga bote ng mineral water. Ang lahat ng iba pang laman ng fridge ay nakatago sa likod ng frosted na salamin. May mga sparkling juice sa unahan, na sinusundan ng mga karaniwang juice, at may mga iced tea at hindi masustansyang soft drink sa pinakailalim na istante. “Kaming mga engineer, ayaw naming iniiwan sa pagkakataon ang kahit anong bagay,” sabi ni Micklitz.
Ayon kayna Holfelder at Micklitz, walang iba pang kumpanya sa industriya ang may katumbas na pagsisikap para protektahan ang data ng mga user nito laban sa mga online na pag-atake. At totoong itinuturing na isa sa mga pinaka-secure sa mundo ang imprastraktura ng server ng Google. Kumplikado ang sistema ng seguridad at marami itong antas. Sino-store ang data sa naka-encrypt na form sa mga data center sa buong mundo – mga pasilidad na mukhang mga bilangguang may maximum na seguridad. “Kahit na may makitang drive na naglalaman ng iyong mga email ang isang tao sa aming mga biometrically protected na data center, walang siyang magagawa sa mga iyon,” paliwanag ni Holfelder. “Lahat ng impormasyong naroon ay ipinapamahagi sa iba't ibang data center – at naka-encrypt ang mga ito.” Bukod doon, kung may matuklasang kahinaan ang mga hacker sa mga interface o produkto ng Google sa kabila ng lahat ng hakbang na ito, nag-aalok ang kumpanya ng malalaking reward kapalit ng impormasyong ito. Kaya naman mas kapaki-pakinabang para sa mga magiging cybercriminal na mag-ulat ng kahinaan sa seguridad sa halip na samantalahin ito.
"Ang ideya ay gumawa ng central hub para sa lahat ng tanong na may kaugnayan sa privacy at seguridad."
Stephan Micklitz
May dalawang partikular na mahalagang mensaheng mapupulot sa pag-uusap kasama sina Holfelder at Micklitz. Una, dapat malaman ng sinumang magse-set up ng email account o mag-a-upload ng mga larawan sa cloud gamit ang Google na secure ang lahat ng kanilang mensahe at larawan sa pinakamahusay na paraang posible. Pangalawa, matutukoy mismo ng sinumang gumagamit ng Google para maghanap at mag-surf sa web kung aling data ang puwedeng kolektahin at gamitin ng Google. “Para sa akin, gusto kong nakakatanggap ako ng mga update sa trapiko mula sa aking cell phone at kapag sinasabi nito sa akin na, halimbawa, kailangan ko nang umalis ngayon para maabutan ko ang flight ko dahil sa matinding trapiko sa highway,” sabi ni Holfelder. “Pero makakapagpasya ang lahat para sa mga sarili nila kung io-on ba nila o hindi ang function na ito.”
Totoo rin ito para sa mga ad, na pinagmumulan ng malaking bahagi ng kita ng Google. Makakatulong ang data na gawing mas nauugnay sa iyo ang mga ad -- kaya kung maghahanap ka ng bagong grey na sofa, makakakita ka ng mga ad na nakakatugon sa pangangailangang iyon. Kapaki-pakinabang ito para sa ibang tao; nakakairita naman ito para sa iba. Ipinaliwanag ni Micklitz na posibleng i-off lang basta ang feature na pag-personalize ng ad na ito. “Sa pamamagitan ng Google Account, syempre,” dagdag niya. Makakakita pa rin ng mga ad ang mga user na mag-o-off ng feature na ito, pero hindi na ito iaangkop sa kanilang mga interes. “Ginagamit namin ang data para gawing mas nauugnay sa aming mga user ang pag-advertise,” dagdag ni Holfelder. “Pero hindi namin ibinebenta ang anumang personal na data.”
Mga Larawan: Myrzik at Jarisch
Mga pagsulong sa cybersecurity
Alamin kung paano namin napapanatiling ligtas ang mas maraming tao online kaysa sa sinupaman sa mundo.
Matuto pa