Isang one-stop na control center: Ang Google Account
Ilang taon na ang ginugol nina Stephan Micklitz at Jan Hannemann sa pag-develop ng mga tool na nagbibigay-daan para mapagpasyahan ng mga user kung anong data ang gusto nilang ibahagi sa Google – at kung ano ang mas gusto nilang hindi ibahagi sa iba
Kapag sinasabi ni Stephan Micklitz sa ibang tao na nagtatrabaho siya para sa Google, madalas siyang tanungin ng “bakit ninyo kailangan ng napakaraming data?” Ang sagot niya: “Makakatulong ang data para maging mas kapaki-pakinabang para sa iyo ang mga produkto ng Google — gaya ng paghahatid ng mga resulta ng paghahanap mo sa tamang wika, o pagrerekomenda ng pinakamabilis na ruta pauwi. Pero palagi kong binibigyang-diin na puwede mong piliin kung paano sino-store ng Google ang iyong data at kung puwede namin itong gamitin para iangkop sa iyo ang mga produkto. Kadalasan, gusto ng mga tao na makita ito mismo bago sila maniwala sa akin!”
"Gusto naming i-personalize ang serbisyo at gawing mas malinaw ang layout."
Jan Hannemann
Nagtatrabaho na sa Google si Micklitz mula pa noong 2007. Isa siya sa mga unang miyembro ng tauhan sa Munich, at mabilis siyang gumanap sa tungkulin ng pamumuno sa mga paksang nauugnay sa seguridad online at privacy ng data. Mula pa noong 2010, pinangunahan na ni Micklitz ang pandaigdigang pag-develop ng ilang napakahalagang produkto ng Google para sa pagpapaigting ng seguridad at privacy online. Naniniwala siyang maganda ang desisyon ng Google na ilagay ang headquarters ng departamentong ito sa Germany noong 2008. “Gusto ng Google na bumase sa lugar kung saan pinakamasinsinang tinatalakay ang privacy,” tanda ni Micklitz.
Marami nang nangyari mula noon. Pinakamahalaga rito, noong Mayo 25, 2018, ipinatupad ang General Data Protection Regulation (GDPR) ng European Union. Kinokontrol ng GDPR ang paggamit at pag-store ng personal na data. Naaalala pa ni Micklitz noong una nilang binasa ng kanyang mga kasamahan ang nakasaad sa batas noong 2016. “Malinaw na nakaalinsunod na sa GDPR ang marami sa mga kontrol at tool na binuo namin -- pero marami pa rin kaming kailangang gawin,” tanda niya. Ngayon, magkasama kaming pumunta sa conference room kung nasaan ang kasamahan niyang si Jan Hannemann.
Inilunsad ng Google ang unang tool sa privacy ng data nito, ang Google Dashboard, noong 2009. Si Micklitz at ang kanyang mga team ang nasa likod ng hakbang na ito. Sa paglipas ng mga taon, nagdagdag ng higit pang function. Simula noong 2013, nagagawa na ng mga user na pamahalaan ang digital legacy nila sa Google gamit ang Inactive Account Manager; noong 2014, idinagdag ang Security Checkup, at sinundan ito ng Privacy Checkup noong 2015. Gamit ang mga bagong tool na ito, nasusuri ng mga user ang kanilang mga setting ng privacy at seguridad ng data kada hakbang.
Noong 2015, inilunsad ang Aking Account, na nagsama-sama ng lahat ng serbisyo ng Google. Sa unang pagkakataon, nagkaroon ng one-stop na control center ang mga user na nagbigay-daan para matingnan nila kung alin sa kanilang personal na data ang sine-save ng Google, mapagpasyahan nila mismo kung aling impormasyon ang gusto nilang i-delete, at ma-off nila ang mga function na nagse-save ng data at sumusubaybay sa aktibidad online. Puwede ring mag-opt out ang mga user sa mga naka-personalize na ad. Patuloy na pinalawak at pinahusay ang Aking Account mula pa lang nang mailunsad ito.
"Mahalaga sa amin na mapipili ng bawat user kung anong impormasyon ang puwedeng panatilihin ng Google."
Stephan Micklitz
Noong Hunyo 2018, binago ang serbisyo, at naging Google Account ang Aking Account. Ang Product Manager na si Jan Hannemann, sa tulong ni Stephan Micklitz, ang nasa likod ng muling paglulunsad. May PhD si Hannemann sa computer science at nagtatrabaho na siya sa tanggapan ng Google sa Munich mula pa noong 2013. Tumulong siya sa pag-develop ng Aking Account at siya ang responsable sa Google Account hanggang ngayon. Binigyan pa nga siya ng kanyang mga kasamahan ng palayaw na “Mr. Google Account.”
Ipinaliwanag ni Hannemann ang bagong disenyo ng Google Account gamit ang kanyang smartphone. “Gusto naming i-personalize ang serbisyo at gawing mas malinaw ang layout – partikular na para sa paggamit sa mga mobile device na may mas maliliit na screen.” Kinuha ni Stephan Micklitz ang sarili niyang smartphone at binuksan niya ang application. “Halimbawa, kapag binuksan ko ang serbisyo, bibigyan ako ng software ng opsyong magsagawa ng Security Checkup,” paliwanag niya. “Dito, makikita ko kaagad kung may anumang suhestyon ang Google kung paano ko mapapaigting ng serguridad ng aking Google Account.”
Ibinabatay nina Micklitz at Hannemann ang karamihan ng kanilang mga gawain sa pag-develop ng produkto sa mga survey ng Google tungkol sa kung paano gumagamit ng mga indibidwal na serbisyo ang mga tao sa iba't ibang panig ng mundo, at kung ano ang pangkalahatang pananaw nila. “Kadalasang mas nag-aalinlangan ang mga European – partikular na ang mga German – pagdating sa paggamit ng kanilang personal na data kumpara sa mga American,” sabi ni Hannemann. “Siyempre, may kinalaman iyon sa kasayasayan natin.” Hindi lahat ng user ay ayaw na ma-store ang kanilang data. “Praktikal para sa ilang tao kapag pinapaalala sa kanila ng kanilang smartphone na oras na para pumunta sa airport,” sabi ni Hannemann. “Nasisiyahan ang ibang tao sa feature na autocomplete, na nagbibigay-daan para mahulaan ng search engine ang natitirang bahagi ng termino para sa paghahanap. Posible lang ang mga feature na ito at ang marami pang iba kapag pinapahintulutan kami ng mga tao na gamitin ang kanilang data para iangkop sa kanila ang aming mga produkto.
Pagdating sa privacy, ayon kay Stephan Micklitz, walang iisang hindi nagbabagong solusyon. Bahagi nito ay dahil indibidwal ang bawat isa sa atin, at nagbabago ang mga pangangailangan ng mga user sa paglipas ng panahon. “Mahalaga sa amin na mapipili ng bawat user kung anong impormasyon ang puwedeng panatilihin ng Google. Patuloy naming pinapahusay ang aming mga tool para gawing posible iyon.”
Mga Larawan: Conny Mirbach
Mga pagsulong sa cybersecurity
Alamin kung paano namin napapanatiling ligtas ang mas maraming tao online kaysa sa sinupaman sa mundo.
Matuto pa