Paano dalhin ang data
Gustong i-download ang personal na data sa iyong computer o ilipat ito sa ibang provider? Pareho itong posible sa Google Takeout, ipinaliwanag ni Stephan Micklitz at Greg Fair ng Google
Mr. Micklitz, Mr. Fair, kayo ang responsable para sa Google Takeout. Para saan talaga ito?
Stephan Micklitz, Director of Engineering sa team ng Privacy at Seguridad ng Google: Ang Google Takeout ay nagbibigay-daan sa iyo, bilang halimbawa, na i-download sa iyong computer ang mga larawan, contact, email, entry sa kalendaryo, o music file na naka-store sa Google Drive o ilipat ang mga ito sa ibang provider.
Greg Fair, Product Manager ng Google Takeout: May dalawang anak kami ng asawa ko, at gaya ng karamihan sa mga magulang, marami kaming larawan nila – para maging tumpak, 600 gigabyte ng mga litrato. Noong nag-crash ang aming hard drive na naglalaman ng lahat ng litratong ito, lubos akong natuwang na-save ko rin ang lahat ng iyon sa Google Photos. Puwede ko nang gamitin ang Google Takeout para i-download lang sa bagong hard drive ang mga larawan.
Paano ginagamit ng mga tao ang Takeout?
Fair: Karamihan ay para i-back up ang lahat ng data na na-store nila sa Google Drive.
Micklitz: Na hindi gaanong makatuwiran, dahil sa katunayan ay higit na mas secure ang data sa Google Drive kumpara sa karamihan sa ating mga storage device sa bahay.
Fair: Sa bahay, posibleng maihian ng pusa ang hard drive, baka masira ito ng mga bata, o puwedeng magkaroon ng sunog. Sa Google, sino-store ang bawat file ng ilang beses sa iba't ibang server. Napaka-secure nito.
Pero bina-back up mo pa rin ang iyong data sa hard drive, Mr. Fair!
Fair: Dahil gumagamit ang aking asawa ng mga programa sa pag-edit ng larawan, kung saan hindi praktikal na ilagay sa cloud ang mga larawan.
"Sa Google, sino-store ang bawat file ng ilang beses sa iba't ibang server. Napaka-secure nito."
Greg Fair
Nauunawaan ko.
Micklitz: Pero ako, bilang halimbawa, ay hindi gumagamit ng mga ganoong programa, pero nagse-save pa rin ako sa hard drive ng mga back-up na kopya ng lahat ng larawan ko. Data ko iyon, kaya gusto kong magkaroon ng pisikal na kopya.
Bakit ginagawa mo ang "hindi makatuwirang" gawi na iyon?
Micklitz: Mayroon tayong napakapersonal at emosyonal na koneksyon sa mga larawan. Nauugnay ang mga iyon sa maraming alaala. Bilang user, hindi ko gustong maging nasa posisyon kung saan umaasa ako sa iisang kumpanya para panatilihing ligtas ang aking mga larawan – kahit isa itong kumpanya kung saan ako nagtatrabaho. Kaya napakahalaga ng mga serbisyo sa portability gaya ng Google Takeout, dahil nagbibigay ang mga ito ng kakayahan sa ating mga user na kunin ang kanilang data anumang oras – kahit nasa cloud ito.
Kailan pa naging mahalagang paksa para sa Google ang portability?
Fair: Sa higit sa isang dekada. Nagsimula kami sa pagbuo ng mga indibidwal na serbisyo sa portability ng data. Pagkatapos, noong 2011, inilunsad ng Google ang naka-centralize na solusyon nito: Takeout. Mula noon, ipinagsama-sama namin ang higit pang serbisyo ng Google at ngayon, sinusuportahan ng Takeout ang higit sa 40 sa mga iyon.
Kahit na maraming user ang nagda-download ng kanilang data sa mga computer nila, bihira nila itong ilipat sa iba pang serbisyo. Bakit may ganitong kawalan ng balanse?
Fair: Sa kasalukuyan, puwedeng ilipat ng mga user sa Dropbox, Box, o Microsoft Office 365 ang data mula sa Googe – at siyempre, vice versa. Hindi pa inaalok ng marami sa ating mga kakumpitensya ang posibilidad na ito. Para subukang baguhin iyon, inilunsad namin ang Proyekto sa Paglilipat ng Data noong 2017 at opisyal na inanunsyo ang proyekto noong Hulyo 2018. Isa itong open source na proyekto na nagbibigay sa mga kumpanya ng libreng code para sa mga function ng portability, na nag-e-enable sa madaling paglilipat ng data mula sa isang serbisyo patungo sa iba.
Micklitz: Kunwari ay bubuo ang isang start-up ng mahusay na bagong serbisyo. Magiging masyadong mahal para sa isang maliit na kumpanya na gumawa ng sarili nitong solusyon sa portability. Sa halip, puwede nitong puntahan ang Proyekto sa Paglilipat ng Data at ilipat sa sarili nitong software ang mga nauugnay na code.
Paano nakakabuti sa inyo ang paglipat ko sa ibang provider?
Fair: Gusto naming gamitin mo ang mga serbisyo ng Google dahil pinakamahusay ang mga iyon, hindi dahil sa palagay mo ay hindi mo magagamit ang iyong data sa ibang lugar.
Ang Pangkalahatang Regulasyon para sa Proteksyon ng Data (General Data Protection Regulation o GDPR), na ipinatupad noong Mayo 2018, ay naglalaman ng mga probisyon sa portability ng data. Kinailangan ba ninyong i-customize ang inyong tool sa pag-download ng data para matugunan ang mga detalyeng ito?
Fair: Noong una naming binasa ang regulasyon noong 2016, nalaman naming mahusay ang ginagawa namin pagdating sa portability. Kahit noon, matagal-tagal na kaming lubos na nagsisikap sa paksang iyon.
Micklitz: Sa palagay namin ay mabuting nakukuha na ng paksang ito ang atensyong kailangan nito. Sa ngayon, ang portability ay isa pa ring niche na bahagi na hindi kawili-wili sa maraming user. Pero naniniwala kaming magbabago ito sa ilang taon.
"Tulad ko, may mga snapshot dapat ang mga anak ko mula sa kanilang pagkabata."
Stephan Micklitz
Bakit?
Micklitz: Nagsisimula pa lang ang mga tao na i-store sa cloud ang kanilang data. Pero ipagpalagay nating maging bankrupt ang isang kumpanya at naka-store ang iyong data sa mga server ng kumpanyang iyon. Gusto mong malaman kung paano mo makukuha ang data na ito. May kinalaman din ito sa paksa ng tibay ng data. Tulad ko na puwedeng tumingin sa mga nanilaw nang larawan ng aking mga magulang, may mga snapshot dapat ang mga anak ko mula sa kanilang pagkabata.
Gusto mo bang magkaroon ng parehong tibay ng mga analog na larawan ang mga digital na larawan?
Micklitz: Oo. Sa mas malawak na diwa, isa rin itong aspeto ng proteksyon ng data – na paglipas ng 50 taon ay magagamit ko pa rin ang data na na-store ko ngayon.
Mga Larawan: Conny Mirbach
Mga pagsulong sa cybersecurity
Alamin kung paano namin napapanatiling ligtas ang mas maraming tao online kaysa sa sinupaman sa mundo.
Matuto pa