Pag-unawa sa kung paano tumutugon ang mga tao sa binuo mo.
Inaaral ng mga mananaliksik sa karanasan ng user kung paano nakikipag-ugnayan ang mga tao sa kanilang mga produkto. Espesyalidad ni Arne de Booij ang karanasan ng user at privacy online. Si Stephan Micklitz angDirector of Engineering para sa Privacy at Seguridad, at nakatuon siya sa pagbuo ng mga tool sa privacy at security.
Arne de Booij, bilang mananaliksik ng karanasan ng user sa Google, sinusuri mo kung paano nakikipag-ugnayan ang mga user sa mga tool sa privacy at seguridad. Ano ang natutunan mo?
Arne de Booij, Google UX Research Manager: Baka hindi nakakagulat ang sagot na ito, pero gusto ng mga tao na maging ligtas at secure online. Gusto nilang mapanatiling pribado ang kanilang data. Sa mga kamakailang taon, habang lumalawak at nagiging mas kumplikado ang internet, kinukuwestyon na ng mga tao kung gaano sila kaligtas, at kung napoprotektahan nang husto ang kanilang privacy. Magagandang itanong ang mga ito, dahil sa kung gaano kadalas nating gamitin ang internet sa mga kasalukuyang panahon, at dahil sa mga kuwentong nababasa natin tungkol sa pag-leak ng data, at iba pa.
At paano kumikilos ang mga tao online pagdating sa privacy at seguridad?
De Booij: Sa loob ng nakaraang ilang taon nagsagawa kami ng mga pag-aaral sa mga taong nasa iba't ibang bansa sa buong mundo at naririnig namin sa kanilang lahat na talagang mgahalaga ang privacy. Sa katunayan, noon pa man ay mas malamang na hindi maglaan ng maraming oras ang mga tao sa pagbabasa ng impormasyon tungkol sa privacy o na magsaayos ng kanilang mga setting sa privacy. Ipinapakita sa ibang pag-aaral na hindi halos nag-aatubili ang mga tao na maglagay ng kanilang detalye sa pakikipag-ugnayan sa mga hindi kilalang website – para makilahok sa isang kumpetisyon, bilang halimbawa. Kaya responsibilidad ng mga kumpanyang gaya ng Google na tiyaking malinaw kami tungkol sa kung paano namin ginagamit ang data at na nabibigyan namin sila ng mga kontrol na madaling gamitin para mapamahalaan ang karanasan nila online sa mga paraang naaangkop para sa kanila.
"Tungkulin naming ipaliwanag ito sa mga tao sa paraang mauunawaan nila."
Arne de Booij
Stephan Micklitz, bilang isang taong namamahala sa pagtitiyak ng privacy at seguridad ng data, anong mga konklusyon ang makukuha mo rito?
Micklitz: Layunin lang naming magpatuloy sa pag-develop ng mga serbisyong nagbibigay sa mga user ng kontrol sa sarili nilang data. Karaniwang hindi paksang tinatalakay nang malaliman ng mga tao ang Privacy at seguridad ng data hanggang sa magkaroon ng problema – halimbawa, na-hack ang kanilang account, o nabasa nila sa balita na may masamang nangyari. Ang mahalaga ay na sa mga sandaling iyon, alam ng mga tao kung paano tingnan ang kanilang online na aktibidad at palitan ang mga password nila kung kinakailangan.
De Booij: Sa katunayan, walang bumabangon sa umaga at nag-iisip na “Dapat kong tingnan ngayon na mismo ang mga setting ko sa privacy sa aking Google Account.” Hindi iyon ganoon. Ang privacy at seguridad ng data ang isa sa mga bagay na ipinapagliban ng karamihan sa atin. Kaya naman sa mga nakalipas na taon, nagsimula kaming mag-prompt sa mga tao na regular na tingnan ang kanilang mga setting.
Paano kayo nakakakuha ng mga insight na nakakatulong sa inyong bumuo ng mas magagandang produkto?
De Booij: Maraming hanay ng opsyon. Maganda ang mga online na survey para sa pagsusuri sa kung paano nagna-navigate ang mga tao sa isang application gaya ng Google Account. Kung gusto mong makakita ng mga opinyon at emosyon, mas makakakuha ka ng impormasyon sa mga indibidwal na pakikipanayam. Para matuto pa tungkol sa mga pagkakaiba sa kultura, nagsasagawa kami ng mga survey sa iba't ibang bahagi ng mundo – sa kalye, sa mga market research studio, o kahit sa mga tahanan mismo ng mga user. Partikular na interesante ang huling nabanggit, dahil may access ang mga tao doon sa mga sarili nilang device at data, kaya mas tunay ang nagiging gawi nila bilang user.
May halimbawa ba kayo para sa amin?
De Booij: Noong minsan, dumalaw ang ilan sa mga katrabaho ko sa isang babae sa kanyang tahanan sa Japan para makipag-usap sa kanya tungkol sa Google Account niya. Hindi siya pamilyar sa serbisyo, at noong binuksan niya ito kaagad niyang itinalikod ang monitor sa amin. Pero nagulat at natuwa siyang malaman kung paano gumagana ang Google Account, paano siya makakapag-delete ng impormasyon at paano ginagamit ng Google ang data.
Stephan Micklitz, nakadalo ka na rin ba sa mga ganitong pakikipanayam?
Micklitz: Oo! Halimbawa, noong pino-prototype namin ang kasalukuyan nang Google Account, gusto namin itong subukan at malaman kung paano tutugon ang mga tao. Binuksan ng unang kalahok at page at tumitig lang siya sa screen nang walang ginagawa. Pagkatapos, dumating ang ikalawang kalahok at ganun din ang naging tugon niya. Naisip ko, “Okay, hindi ganito ang inaasahan kong mangyayari.” Malinaw na hindi naunawaan ng mga user na iyon ang Google Dashboard.
"Mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng pananaliksik sa UX sa proseso ng pag-develop."
Stephan Micklitz
Binago niyo ba ang user interface bilang resulta nito?
Micklitz: Nang maraming beses! Patuloy namin itong binago hanggang sa maging madali itong ma-access at maunawaan ng mga tao.
Kung ganoon, tinulungan kayo ng pananaliksik sa UX na gumawa ng tunay na pagpapahusay sa serbisyo?
Micklitz: Mahalaga ang tungkuling ginagampanan nito sa proseso ng development. Ito ang kaso noong, halimbawa, ginagawa namin ang Inactive Account Manager, na bahagi na ngayon ng Google Account. Binibigyan nito ng daan ang mga user na magdesisyon kung ano dapat ang mangyari sa kanilang data kung hindi sila aktibo sa loob ng isang partikular na yugto ng panahon. Bagong-bago ang produktong ito noon, wala sa aming mga kakumpitensya ang nagpakilala ng katulad nito. Kaya nag-develop kami ng prototype, sinubukan ito, at bumuo ng ikalawang prototype. Nagdaan kami sa maraming siklo ng prosesong iyon bago kami nagkaroon ng produktong talagang nagustuhan ng aming mga user.
Siguro nakakatuwa kapag nagdudulot ng matatag na pagbabago ang iyong pananaliksik.
De Booij: Iyan ang masaya sa trabahong ito. Tinitiyak naming nakikilala ang mga pangangailangan ng user.
Mga Larawan: Conny Mirbach
Mga pagsulong sa cybersecurity
Alamin kung paano namin napapanatiling ligtas ang mas maraming tao online kaysa sa sinupaman sa mundo.
Matuto pa