Ang mga sagot sa mga tanong.
Lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa iyong data online: Saan ito galing, sino ang may access dito, at paano ito pinakamahusay na mapoprotektahan. Ilang sagot mula sa mga eksperto
Mapipigilan ko ba ang pagbabahagi ng ilang impormasyon?
Michael Littger, Managing Director ng German na inisyatiba sa kaligtasan sa internet na Deutschland sicher im Netz (DsiN): “Siyempre, malaya kong mapipili kung anong data ang ilalagay ko. Pero may limitado akong impluwensya sa teknikal na data na nagagawa kapag nagsimula akong mag-browse sa web. Puwede kong tanggihan o i-delete ang cookies. Madali ko ring maitatago ang aking IP address gamit ang mga naaangkop na program. At kung hindi ko gustong makinig ang smart speaker sa aking sala habang naghihintay ito ng command sa pag-activate, may opsyon akong i-off ito anumang oras.
Sino ang talagang interesado sa data ko at bakit?
Michael Littger, DsiN: “Napakahalaga ng data ng user para sa mga kumpanya. Kinokolekta nila ang data na nabubuo tuwing ginagamit ang kanilang mga serbisyo para pahusayin ang mga produkto nila o gumawa ng mas naka-target na pag-advertise. Sa kasamang palad, interesado rin sa data ng user ang mga cybercriminal, na puwedeng sumubok na gamitin ito para i-blackmail ang mga indibidwal o i-raid ang kanilang mga bank account. At hindi dapat natin kalimutan ang paggamit ng personal na data para sa mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas gaya ng pulisya. Puwedeng hilingin ang history ng pag-browse ng indibidwal bilang bahagi ng isang imbestigasyon – pero kapag may utos ng hukuman lang."
Paano nagkakaroon ang mga kriminal ng access sa aking impormasyon?
Stephan Micklitz, Engineering Director sa team ng Privacy at Seguridad ng Google: “Ang dalawang pinakakaraniwang paraang ginagamit para ilegal na makakuha ng data ng user ay phising at pag-hack. Tumutukoy ang phishing sa panloloko ng mga user para boluntaryo nilang ibigay ang kanilang data – halimbawa, sa pamamagitan ng paggawa ng pekeng website sa pagbabangko kung saan inilalagay ng mga user ang kanilang impormasyon ng account nang may magandang loob. Tumutukoy ang pag-hack sa paggamit ng attacker ng malware para pumasok sa isang account. Karaniwang gagamit ang mga cybercriminal ng kumbinasyon ng dalawang pamamaraang ito.”
Tulong, na-hack ang account ko! Ano ang dapat kong gawin?
Michael Littger, DsiN: “Una, makikipag-ugnayan ako sa provider ng account at papalitan ko ang aking password. Sa kaso ng mga lubos na sensitibong account, tulad ng mga bank account, posibleng mainam ding maglagay ng pansamantalang block. Para gawing mas madali ang pag-restore ng account, makakatulong kung nagbigay ka ng alternatibong email address o numero ng cell phone na magagamit ng kumpanya para makipag-ugnayan sa iyo. Kapag na-recover ko na account, gagamit ako ng ilang tool para subukang suriin ang pinsala. Pupunta rin ako sa pulis at maghahain ng ulat – kung tutuusin, naging biktima ako ng krimen.
Mas mahina ba ako laban sa mga pag-atake sa smartphone kaysa PC?
Mark Risher, Product Management Director para sa seguridad sa internet sa Google: “May built-in na proteksyon ang mga smartphone laban sa marami sa mga bantang dating nagdudulot ng mga problema sa mga PC. Kapag nagde-develop ng mga operating system para sa mga smartphone, ginagamit ng mga kumpanya tulad ng Google ang maraming nakalipas na karanasan. Gayunpaman, lubos kong ipinapayo sa mga user na palaging i-activate ang lock ng screen. Bihirang lumabas ng bahay ang karamihan sa mga tao nang hindi dala ang kanilang mga smartphone, at dahil dito, nagiging madaling target sila para sa mga magnanakaw."
Gaano dapat kakumplikado ang aking password?
Michael Littger, DsiN: “Ang malakas na password ay hindi dapat isang salita na mahahanap mo sa diksyunaryo, at may kumbinasyon dapat ito ng mga titik, numero, at special character. Sa aming mga kurso ng pagsasanay, tinuturuan namin ang mga kalahok ng mga simpleng paraan para makagawa ng malalakas na password na madaling tandaan. Narito ang isang simpleng paraan: Nag-iisip ako ng isang pangungusap, tulad ng ‘My buddy Walter was born in 1996!’ Pagkatapos ay pinagsasama-sama ko ang lahat ng unang titik at numero: MbWwbi1996! Isa pang paraan ang tinatawag nating panuntunan ng tatlong salita: Nag-iisip ako ng tatlong salita na nagbubuod sa isang hindi malilimutang kaganapan sa buhay ko. Halimbawa, puwedeng password ng isang taong nakakilala ng kanyang asawa sa karnibal noong 1994 ang ‘MrsCarnival1994.'"
Gaano kapaki-pakinabang ang password manager?
Tadek Pietraszek, ang Principal Software Engineer para sa seguridad ng user account: “Maraming tao ang gumagamit ng iisang password para sa maraming account dahil ayaw nilang tandaan ang masyadong maraming password. Gayunpaman, kung malaman ng mga attacker ang password na ito, agad nitong makokompromiso ang ilan pang ibang account. Iyon ang dahilan kung bakit pinapayo namin sa mga user na huwag kailanman i-recycle ang kanilang mga password. Karaniwan din para sa mga user na hindi sinasadyang maglagay ng password sa website na binuo ng mga scammer - lalo na kung madalas nilang ginagamit ang password na ito. Nilulutas ng password manager ang dalawang problemang ito. Una, inaalis nito ang pangangailangang tandaan mo ang iyong mga password, para hindi ka matuksong gamitin muli ang mga ito. At pangalawa, ginagamit lang ng password manager ang tamang password para sa tamang account; hindi tulad ng mga tao, hindi ito nalilinlang ng mga mapanlokong site. Gayunpaman, mahalagang gumamit lang ng mga password manager mula sa mga mapagkakatiwalaang kumpanya – halimbawa, Dashlane, ang Keeper Password Manager, o ang password manager na kasama sa Chrome browser ng Google.”
Sining: Jan von Holleben; Mga Larawan: DsiN/Thomas Rafalzyk, Conny Mirbach (3)
Mga pagsulong sa cybersecurity
Alamin kung paano namin napapanatiling ligtas ang mas maraming tao online kaysa sa sinupaman sa mundo.
Matuto pa