Ang sarili mong espasyo sa Chrome
Paano hinango mula sa tunay na buhay ang pagbabago sa Chrome browser. Inilalarawan nina Sabine Borsay at David Roger mula sa Google Safety Engineering Center ang kanilang mga ipinagsamang pagsusumikap sa bagong feature na mga profile sa Chrome.
“Matagal nang ginagamit ng buo kong pamilya ang Chrome browser sa iisang nakabahaging computer,” ipinaliwanag ni David Roger, na nagtatrabaho bilang software developer sa Google sa Paris. “Kung minsan, may hanggang 50 website kaming bukas nang sabay-sabay. Halimbawa, kapag sinusubukan kong maghanap ng YouTube video na napanood ko kamakailan, nakakakita rin ako ng mga video clip ng Minecraft sa history ng paghahanap – ang gulo talaga.” Malamang na hindi lang si David ang may ganitong problema. Karaniwan para sa mga pamilyang magbahagi ng computer at ng iisang Chrome browser. Ito ang naging sitwasyon lalo na sa panahon ng pandemya ng coronavirus. Ang mga magulang, caregiver, at ang mga batang kasama nila ay nagbabasa, nagre-research at naghahanap ng mga kalilibangan nang sabay-sabay. Puwedeng magkaroon ng pagkakalito kapag nawala ang mga personal na setting o nagkagulo ang mga history ng paghahanap.
“Karaniwang nagmumula ang mga ideya sa mga taong malapit sa produkto.”
David Roger, Software Developer.
Alam ni Sabine Borsay ang eksaktong sinasabi ni David Roger. Siya ang Product Manager sa Google Safety Engineering Center (GSEC), ang pandaigdigang development center ng Google para sa privacy at kaligtasan sa Internet sa Munich. Ipinakita niya ang partikular na problemang ito sa isa sa mga Tech Day ng GSEC, na isinaayos para bigyang-daan ang mga cross-functional na team na magtrabaho nang magkakasama sa isang hanay ng kapana-panabik na hamon. Nabuo ang ideya ng paggawa ng magkakahiwalay na Chrome profile sa isa sa mga ganitong araw. Available na ngayon ang feature na ito sa Chrome at nagbibigay-daan ito sa bawat user na gumawa ng naka-personalize na profile na puwedeng piliin sa tuwing bubuksan ang browser. Halimbawa, puwede mong baguhin ang mga kulay ng background, at puwedeng maisaayos at mai-save ng magkakahiwalay ang mga bookmark at password.
Interesanteng siyasatin ang proseso ng pag-develop ng mga Chrome profile mula sa unang naging ideya hanggang sa panghuling implementasyon. Ginugugol ng mga Product Manager na gaya ni Sabine Borsay ang oras nila araw-araw sa pagtatrabaho sa isang partikular na application gaya ng Chrome browser. “Pinag-iisipan namin kung paano ide-develop ang Chrome sa mga susunod na ilang taon. Pinag-iisipan din namin ang mga uri ng problemang dapat naming tugunan at kung paano namin dapat isama ang mga solusyon,” paliwanag ni Sabine. “Marami sa trabaho namin ay batay sa mga bagay na nararanasan namin sa mga sarili naming buhay,” wika ni David Roger bilang pagsang-ayon. “Nagsisimula ang marami sa mga proyekto namin sa Google sa ganitong paraan at karaniwang nagmumula ang mga ideya sa mga taong malapit sa produkto.”
Nang makakuha si Sabine ng pahintulot na simulan ang pagtatrabaho sa mga profile sa Chrome, bumuo siya ng team ng sampung tao mula sa iba't ibang department, kasama na ang mga eksperto sa karanasan ng user at mga developer mula sa team ni David Roger. Mahigit sampung taon nang nagtatrabaho si David sa pag-develop sa Chrome at kasama siya sa iba't ibang proyekto, kabilang na sa pagdisenyo sa user interface. Bumuo ang team niya ng prototype ng mga profile sa Chrome, na sinubukan ng isang espesyal na piniling grupo ng user.
Samantala, nagtrabaho si Sabine kasama ng mga eksperto sa pananaliksik sa user para matukoy ang isang grupo ng taong pribadong gumamgamit ng Chrome, gumagamit ng Chrome sa trabaho, o kasama ng iba pang user. “Bukod pa sa pakikipanayam sa mga taong ito nang harapan tungkol sa mga karanasan nila, hiniling namin sa kanilang gumawa ng tala tungkol sa kung paano nila ginagamit ang mga profile sa Chrome sa loob ng dalawang buwan.” Hiniling din ng team ng mga profile sa mga user na ilarawan kung ano ang nangyari nang maranasan nila ang mga bahagi ng application na hindi nila naiintindihan.
“Pinag-iisipan namin kung paano ide-develop ang Chrome sa mga susunod na ilang taon.”
Sabine Borsay, Product Manager
Sa Paris, sinuri ni David ang data mula sa mga user ng Chrome Beta. Pinapayagan ang mga user ng Chrome Beta na sumubok ng mga bagong feature bago ang iba pang user, at puwede silang pumayag na magsumite ng data sa paggamit para sa pag-develop ng produkto. Nakatulong ang impormasyong nakalap mula sa daan-daang libu-libong user ng Chrome Beta sa buong pag-develop sa mga Chrome profile. Halimbawa, nahirapan ang ilang tao na mag-click sa isang partikular na button, habang hindi naunawaan ng iba ang isang text na nagbibigay ng paliwanag. Ipinaliwanag ni David na puwedeng gawin ang mga pagbabago at pagpapahusay sa produkto batay sa ganitong uri ng feedback, at madalas na ginagamit ang umuulit na paraan ng pagtatrabaho kapag nagde-develop ng mga digital na produkto. Binibigyan ang mga user ng access sa isang prototype at nagbibigay sila ng feedback sa mga posibleng maging problema. Minomodify ng mga developer ang produkto at sinusumite ito para sa pag-test ulit.
Na-flag ang mga partikular na isyu sa panahon ng pag-test, gaya ng pagiging mabagal ng Chrome sa pagbubukas. Dahil dito, tinipon ni David ang mga developer niya para sa isang hackathon. “Inilaan namin ang lahat ng enerhiya namin sa loob ng isang buong linggo para mapabilis ulit ang browser .” Siniyasat ng team ang maraming posibleng paraan. “Natukoy namin sa wakas ang ilang iba't ibang teknolohiya, na ipinakita namin sa mga kasamahan namin sa Munich,” ipinatuloy ni David.
May mga nakakatuwang alaala si Sabine sa bahaging ito ng proyekto. “Sa mga panahong ganito, para kaming start-up. Sumusubok kami ng maraming bagay, kinakausap namin ang isa't isa araw-araw, at tina-target namin ang pinakamagandang solusyon.” Nag-live kamakailan ang kakayahang gumamit ng iba't ibang Chrome profile, pero marami pang kailangang gawing trabaho para sa team na pinapangunahan nina Sabine Borsay at David Roger. Patuloy silang nagtatrabaho sa produkto gamit ang feedback at mga suhestyon sa pagpapahusay, kasama na ang mga suhestyong mula sa pamilya ni David, na siyempre ay mayroon na ngayong mga sarili nilang indibidwal na profile sa Chrome.
Mga Larawan: Stephanie Füssenich (4), Florian Generotzky (3).
Mga pagsulong sa cybersecurity
Alamin kung paano namin napapanatiling ligtas ang mas maraming tao online kaysa sa sinupaman sa mundo.
Matuto pa