Mga tip at tool para tulungan kang manatiling mas ligtas online

Bilang karagdagan sa mga awtomatikong proteksyong naka-built in sa aming mga produkto, narito ang ilang karagdagang tip para matulungan kang maiwasan ang mga online na scam at ligtas na mag-sign in sa iyong mga app at device.

Pag-iwas sa mga online na scam at mga pagtatangkang magsagawa ng phishing

Idinisenyo ang mga online na scam at pagtatangka sa phishing para linlangin ang mga walang kamalay-malay na user sa pagbubunyag ng personal o pinansyal na impormasyon — at dumarami pa ang mga ito. Isa sa pinakamahuhusay na hakbang sa depensa ay ang pag-alam kung ano ang titingnan.

Pagtukoy sa mga scam sa email

Ang pinakamadaling paraan para makaiwas sa mga scam sa email ay ang paggamit sa mga built in na proteksyon sa Gmail, pero anuman ang platform na ginagamit mo, narito ang ilang bagay na dapat pag-ingatan kapag nakatanggap ka ng email.

1. Mag-ingat sa mga email mula sa mga hindi kakilala
2. Pag-isipan nang mabuti ang mga agarang request
3. I-verify ang email address ng sender
4. Tingnan kung may mga look-alike na domain
5. Mag-hover bago ka mag-click sa link
6. Balewalain ang mga pag-reset ng password na hindi ikaw ang nagsumite

Pagtukoy ng mga scam sa telepono at text

Dumarami ang mga taong nakakatanggap ng mga tawag sa telepono at hindi hininging text message na humihingi ng kanilang personal na impormasyon. Palaging tandaan: Hindi ka kailanman tatawagan ng Google tungkol sa iyong account.

1. Magtanong ng marami
2. Huwag mag-click sa mga link na ipinadala sa pamamagitan ng mga text
3. Huwag mag-share ng mga pansamantalang kredensyal
4. Iwasan ang mga agarang request mula sa mga tumatawag
5. Makinig sa mga babala mula sa mga naka-built in na proteksyon

Pagtukoy ng mga scam sa web

Para panatilihin kang ligtas sa Search, mayroon kaming mahihigpit na patakaran at advanced na system ng paglaban sa spam na dahilan kaya 99% walang spam ang Search at tumutulong ang mga ito na labanan ang mga pagtatangka ng mga scammer na manlinlang ng mga tao. Sa mga ad, gumagamit kami ng AI para protektahan ang mga user laban sa panloloko at para maka-detect ng mga cyber criminal at scammer. Narito ang 5 pang tip para manatiling ligtas.

1. Kung may pagdududa ka, alamin pa ang tungkol sa ad at kung sino ang gumawa nito
2. Suriin ang mga URL bago mag-click sa mga hindi pamilyar na link
3. Maghanap ng mga insight tungkol sa webpage, store, o negosyo gamit ang tool na Tungkol sa resultang ito
4. Maghanap ng mga opisyal na resource at mag-ingat sa hindi karaniwang pag-format
5. Kung isa kang negosyo, direktang, i-highlight ang iyong customer support sa Search

Anim na karaniwang scam at kung paano mo mapoprotektahan ang iyong sarili mula sa mga ito.

Dumadami at nagiging mas kumplikado ang mga online na scam. Responsable ang aming mga team para sa Tiwala at Kaligtasan (T&S) sa Google para sa pag-track at paglaban sa mga scam, at para sa pagbabahagi ng aming mga obserbasyon at ng impormasyong nakalap namin para mapanatiling ligtas ang lahat. Alamin ang mga scam na ito, para maiwasan mo ang mga ito.

1. Pananamantala sa Mga Pangunahing Event

Tip para sa Proteksyon: Tuwing malalaking event, bumili o mag-donate lang sa pamamagitan ng mga pinagkakatiwalaang platform at opisyal na organizer ng event.

Sa pamamagitan ng pagsama ng mga bago at umuusbong na teknolohiya sa mga tradisyonal na technique para mang-scam, mabilis nakatugon ang mga bad actor sa breaking news at mga pangunahing event, para mas paniwaalan ang kanilang mga scheme.

Alam nila na tuwing may malalaking event, pakiramdam ng mga tao na dapat silang kumilos nang mabilis — para man makakuha ng mga ticket sa mga concert na maraming demand, makabili ng mga item na limitadong edisyon, o matulungan ang mga biktima ng sakuna — at ginagamit ng mga scammer ang pakiramdam na ito na dapat magmadali para sa kanilang pakinabang.

May mga nakalaang patakaran para sa mga sensitibong pangyayari ang Google, kasama ang para sa Ads at Shopping, pag-monetize sa YouTube, at Play. Pinagbabawal ng mga patakarang ito ang mga produkto o serbisyong pinagsasamantalahan, binabalewala, o kinukunsinti ang sensitibong pangyayari, at gumagamit ng pinahusay na pagsubaybay para panatilihin kang ligtas tuwing mga pangunahing event.

2. Mga Scam sa Pamumuhunan ng Celebrity na Binuo ng AI

Tip para sa Proteksyon: Mag-ingat sa anumang payo sa pamumuhunan na mukhang galing mula sa mga celebrity o leader ng negosyo, lalo na sa social media. Suriin kung may mga hindi natural na paggalaw o ekspresyon ng mukha sa mga video — posibleng senyas ito na peke ang content. Tandaan: Kung parang masyadong maganda para maging totoo ang pagkakataon para mag-invest, malamang ay ganoon nga.

Gumagawa ang mga scammer ng mga pekeng video at larawan para ipagmukha na pino-promote ng mga sikat na pampublikong personalidad ang kanilang mga scheme.

Ipinagsasama ng mga scam na ito ang mga larawan, voiceover o video na binuo ng AI (kadalasang tinatawag na mga "deepfake") at mga pekeng artikulo ng balita at post sa social media para mag-promote ng mga mapanlokong pagkakataon para mag-invest.

Posibleng labis na nakakahikayat ang mga scam na ito dahil sa kombinasyon ng mga pamilyar na mukha, mukhang propesyonal na content, at ang pangako ng malaking kita.

Noong 2024, in-update namin ang aming Patakaran sa Misrepresentasyon para matugunan ang mga scam sa pagpapanggap bilang pampublikong personalidad sa Google Ads.

Matagal nang may mga patakaran ang YouTube sa pagpapanggap, na nagbabawal ng content na nilalayong magpanggap bilang ibang tao o channel, at sa maling impormasyon, na nagbabawal ng content na teknikal na namanipula o dinoktor sa paraang nanlilinlang sa mga user. At nagde-develop kami ng mga tool na tulad ng SynthID para lagyan ng watermark at tukuyin ang AI-generated content.

3. Mga Scam sa Pekeng Pagbiyahe at E-Commerce

Tip para sa Proteksyon: Palaging i-verify ang website kung nasaan ka bago ka bumili. Higit na maging maingat tuwing panahon ng sale — masinsinang suriin ang URL, hanapin ang mga senyas ng mga lehitimong panseguridad na feature, at mag-ingat sa mga di-pangkaraniwang mababang presyo o pagpilit na magmadali. Gamitin ang feature ng Google na Tungkol sa resultang ito para matuto pa tungkol sa mga hindi pamilyar na website, at Ang Aking Ad Center para maghanap ng impormasyon ng advertiser tulad ng pangalan at lokasyon at para mag-ulat ng lumalabag na ad.

Gumagawa ang mga scammer ng mga pekeng website na gumagaya sa mga lehitimong site ng shopping, paglalakbay, at retail. Kadalasang inaakit ng mga mapanlokong site na ito ang mga tao gamit ang mga napakababang presyo sa mga sikat na item, luxury goods, ticket sa concert, o deal sa paglalakbay.

Sinusubukan ding manipulahin ng mga scammer ang mga listing ng negosyo sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga mapanlokong numero sa pakikipag-ugnayan para gayahin ang mga listing ng mga pampublikong profile ng negosyo. Sinusubukan nilang lokohin ang mga user para makipag-ugnayan sa mga scammer sa halip na mga lehitimong customer service representative.

Nagpapanatili ang Google ng mahihigpit na patakaran at aktibo itong nagsa-scan para sa at nag-aalis ng mga site na nagsasagawa ng phishing, pagkukunwari, o pagpapanggap bilang mga lehitimong negosyo. 


Bilang karagdagang antas ng kaligtasan, posibleng kailanganin sa mga advertiser na kumpletuhin ang aming programa para sa pag-verify ng advertiser para i-verify ang impormasyon tungkol sa kanilang negosyo o pagkakakilanlan para tulungan kaming mas maunawaan kung sino sila at kung anong ina-advertise nila.

4. Panloloko na Tech Support na Kailangan ng Remote na Access

Tip para sa Proteksyon: Huwag kailanman bigyan ang sinuman ng remote na access sa iyong device batay sa hindi hiniling na tawag o mensahe. Hindi mauunang makikipag-ugnayan sa iyo ang mga lehitimong kumpanya tungkol sa mga teknikal na problema — kung kailangan mo ng suporta, palaging makipag-ugnayan sa pamamagitan ng opisyal na website o numero ng telepono ng kumpanyang gusto mong kontakin. Puwede mong palakasin ang iyong seguridad sa pamamagitan ng pag-enable ng 2-Step na Pag-verify, mga passkey, o Password Manager.

Nagpapanggap ang mga scammer bilang tauhan ng technical support mula sa mga kilalang kumpanya, bangko, o ahensya ng pamahalaan. Nagpaparamdam sila na dapat magmadali sa pamamagitan ng pagsasabi na may problema sa device, account, o online na seguridad mo. Madalas ay gumagamit sila ng kapani-paniwalang teknikal na wika at mga website na ginagaya ang mga lehitimong page para sa suporta.

Gumagamit ang mga scammer na ito ng mga kumplikadong technique tulad ng panggagaya ng caller ID at maingat na naka-script na pag-uusap para magmukhang lehitimo. Iniaangkop nila ang kanilang pamamaraan batay sa target, at layunin nilang kumbinsihin ang mga biktima na mag-install ng software para sa remote access, na nagbibigay sa kanila ng kontrol sa device at access sa personal na impormasyon, mga detalye sa pagbabangko, at ang kakayahang gumawa ng mga transaksyon nang walang pahintulot.

Sa Google, aktibong dine-detect at bina-block ng aming mga system ang mga kahina-hinalang site para sa tech-support at mga advertisement. May built-in na mga feature sa seguridad ang Google Messages na pwedeng mag-alerto sa iyo kapag may na-detect na kahina-hinala. Dagdag pa, puwedeng direktang itampok ng mga lehitimong negosyo ang kanilang mga na-verify na option sa customer support sa Google Search, habang tumutulong ang aming teknolohiya sa Ligtas na Pag-browse na bigyan ng babala ang mga user tungkol sa mga posibleng mapanganib na site at download.

5. Mga Scam sa Trabaho

Tip para sa Proteksyon: Mag-ingat sa mga alok na trabaho na parang masyadong maganda para maging totoo o nangangailangan ng pagsasagawa ng pag-transfer ng pera. Hindi hihingi ang mga lehitimong employer ng pagbabayad sa proseso ng pag-hire at hindi nila kakailanganin na gamitin mo ang iyong mga personal na account para sa mga pangnegosyong transaksyon. Palaging i-verify ang mga pagkakataon sa trabaho sa pamamagitan ng mga opisyal na website at channel ng kumpanya. Mabibigyan ka ng Tungkol sa resultang ito ng higit pang impormasyon tungkol sa online na source.

Minsan ay tina-target ng mga scammer ang mga naghahanap ng trabaho gamit ang mga pangako ng remote na pagtatrabaho na mataas ang suweldo at mga pagkakataon sa ibang bansa. Posibleng lumabas ang mga mapanlokong alok na trabaho na ito sa mga lehitimong site ng trabaho at sa mga platform ng social media, kahit higit na mahirap na matukoy ang mga ito. Karaniwang nagpapanggap bilang mga lehitimong international na kumpanya ang scammer, at nag-aalok ng mga posisyon sa mga larangang tulad ng pag-trade ng cryptocurrency, data entry, o digital marketing.

Kahit na nilalayon ng ilang operasyon na magkolekta ng pera o personal na impormasyon sa simula pa lang, ang iba ay inaakit ang mga biktima sa mga money-laundering scheme o ibang ilegal na aktibidad nang hindi nila nalalaman. Halimbawa, posibleng hilingin sa mga biktima na pamahalaan ang mga pinansyal na transaksyon o pag-transfer ng cryptocurrency, nang hindi nila alam na nakikilahok na sila sa mga kriminal na aktibidad na posibleng magkaroon ng mabibigat na legal na kahihinatnan.

Sa Google, aktibo kaming nagsusubaybay para sa mga scheme na ito at inaalis namin ang mga mapanlokong listing ng trabaho sa aming mga platform. Idinisenyo ang aming mga system para mag-detect at mag-block ng mga kahina-hinalang content na nauugnay sa trabaho na nagpapakita ng mga senyas ng posibleng panloloko. Posibleng kailanganin din namin ang karagdagang pag-verify para tulungan kaming maunawaan ang higit pa tungkol sa gumawa ng listing.

6. Mga Mapanamantalang App sa Loan

Tip para sa Proteksyon: Kumuha lang ng mga loan mula sa mga lisensyadong pinansyal na institusyon at opisyal na app sa pagbabangko. Paghinalaan ang mga app sa loan na nangangailangan ng access sa iyong mga contact, larawan, o lokasyon — hindi kailangan ng mga lehitimong nagpapautang ang impormasyong ito. Kung nag-aalok ang app ng instant na pag-apruba nang may kaunting dokumento, malamang scam ito. Kung may mahanap kang problema sa app o review sa Google Play, puwede mo itong i-flag sa aming team.

Tina-target ng mga mapanlokong app sa pangungutang ang mga taong naghahanap ng mabilis na access sa pera, at nangangako ang mga ito ng mga mabilis at madaling loan nang may kaunting papeles. Propesyonal na idinisenyo ang mga app na ito para gayahin ang mga lehitimong pinansyal na serbisyo at bangko. Kapag naka-install na ang mga ito, nangangailangan ang mga ito ng malawakang access sa personal na impormasyon — kasama ang mga contact, larawan, at data ng lokasyon — na posibleng gamitin nila sa ibang pagkakataon para sa panliligalig.

Bilang bahagi ng mga scam na ito, karaniwang nakakatanggap ang mga biktima ng mas kaunting pera kumpara sa hiniling nila, pero kailangan nilang ibayad ang buong halaga dagdag pa sa mga napakataas na rate ng interes. Kapag nahirapan ang mga nangutang sa mga tuntuning ito ayon sa inaasahan, ginagamit ng mga scammer ang personal na data na nakolekta nila para pagbantaan at pilitin sila. Kadalasan nilang tina-target ang mga kaibigan at pamilya ng panliligalig o pagbabantang magbahagi ng mga binagong litrato.

Sa Google, nagpapanatili kami ng mahihigpit na patakaran laban sa mga mapanlokong app ng mga pinansyal na serbisyo sa aming mga platform. Aktibo kaming nagsa-scan para sa at nag-aalis ng mga app na nagre-request ng mga hindi kinakailangang pahintulot sa device o nagpapakita ng senyas ng mapanamantalang gawi. Nakakatulong ang aming serbisyo na Google Play Protect na tukuyin at i-block ang mga mapaminsalang app sa loan bago ma-install ang mga ito, at malapit kaming nakikipagtulungan sa mga pinansyal na regulator para matukoy at mapigilan ang mga mapanlokong operasyon. Sa ilang bansa, kailangan din namin ng partikular na proseso ng pag-verify para mag-advertise ng mga pinansyal na serbisyo sa aming mga platform.

Graphic ng web browser na may mga naka-overlay na pamingwit na nanghuhuli ng mga icon para sa seguridad at profile ng account — nang may isda sa ibaba.

Subukin ang iyong kakayahan sa pagtukoy ng scam

Nagagamit ang AI para gawing mas kumplikado, naka-personalize, at karaniwan ang mga phishing attack. Kaya naman hindi palaging madaling matukoy kung ano ang tunay at peke. Puwede mong subukin ang kaalaman mo sa pagtukoy ng scam sa pamamagitan ng phishing quiz na binuo ng Jigsaw, isang unit ng Google. Ibahagi ito sa mga kaibigan at kapamilya mo at tulungan silang manatiling mas ligtas online.

Nilalabanan ang mga scam at panloloko araw-araw

Makuha ang mga detalye kung paano ka pinoprotektahan ng aming built-in na seguridad mula sa mga scam at panloloko online.

Paano gawing mas ligtas ang pag-sign in mo

Isa sa mga pinakamalaking panganib sa seguridad ngayon ang pag-sign in sa mga online account, at milyon-milyong password ang na-e-expose sa mga breach sa data araw-araw. Idinisenyo ang aming mga tool sa pag-authenticate at password na tulungan kang mabilis at secure na mag-sign sa mga app at serbisyong hilig mo.

Matuto pa tungkol sa pag-authenticate
Panatilihing secure ang iyong mga device.
Mag-browse sa web nang ligtas.
Teleponong nagtatampok ng notification na secure ang koneksyon
Mag-explore ng higit pang paraan para makatulong na mapanatiling secure ang iyong account